See this article for Malaysia

I-verify ang katayuan o status ng iyong recruiter!

Alamin ang status o katayuan ng recruitment agency bago dumaan sa proseso ng recruitment. Ihambing ang mga recruitment agencies sa bawat isa gamit ang MRA. Suriin ang validity ng job offers ng recruitment agency sa pamamagitan ng POEA.

Gawin ang iyong pananaliksik!

Tingnan ang POEA at iba pang opisyal na pinagkukunan ng impormasyon. Suriin ang mga review ng mga recruitment agencies dito sa MRA. Huwag lamang umasa sa iyong pamilya, mga kaibigan o mga informal sources para sa impormasyon. Mas hindi ka mapagsasamantalahan kung mas marami kang impormasyon na nalalaman.

Pumirma ng isang makatarungang kontrata sa trabaho!

Basahin nang mabuti ang iyong kontrata bago pirmahan. Talakayin at makipag-ayos sa mga tuntunin ng iyong kontrata. Siguraduhin na ang isang pirmadong kopya ng kontrata ay nasa iyo. Huwag pumirma ng isang kontrata na hindi mo nauunawaan o sinasang-ayunan.

Alamin ang iyong mga karapatan!

Alamin ang mga batas sa paggawa sa bansa ng iyong patutunguhan. Siguraduhing may naitatago kang rekord ng kapaki-pakinabang na mga kontak na gobyerno at unyon kung sakaling makatagpo ka ng mga problema sa recruitment o employment.

Paano maiiwasan ang illegal recruitment

Ø HUWAG mag-aaply sa mga HINDI lisensiyadong ahensiya. ALAMIN kung lisensiyado ang ahensiya sa POEA.

Ø HUWAG makipag-transaksyon sa mga lisensiyadong ahensiya na WALANG job order.

Ø HUWAG makipag-transaksyon sa mga taong hindi awtorisadong representante ng mga lisensiyadong ahensiya.

Ø HUWAG makipag-transaksyon sa labas ng rehistradong address ng ahensiya. Kung ang recruitment ay naganap sa probinsiya, alamin kung ang naturang ahensiya ay may PROVINCIAL RECRUITMENT AUTHORITY (PRA).

Ø HUWAG magbayad ng recruitment o placement fee na LABIS na itinalaga ng batas. Ito ay dapat katumbas ng isang buwang sahod, labas ang gastos para sa documentation at processing. Wala dapat bayarang recruitment fee ang mga domestic workers at seafarers.

Ø HUWAG magbigay ng placement fee hangga't WALA pang kontrata at WALANG opisyal na resibo.

Ø HUWAG magpahikayat sa mga anunsiyo o sumagot sa POST OFFICE (P.O.) BOX, o maglakip ng pera bilang kabayaran sa pagproseso ng papeles o dokumento

Ø HUWAG makipag-transaksiyon sa mga TRAINING CENTERS o TRAVEL AGENCIES na nangangako ng trabaho sa ibang bansa o ibayong dagat.

Ø HUWAG tumanggap ng TOURIST o VISITOR'S VISA.

Ø HUWAG makipag-transaksyon sa mga FIXERS.

Source: POEA

Iba pang magagamit na resources:

Ang Public Services International (PSI) ay bumuo ng isang komprehensibong migrant pre-decision kit (maaaring i-download sa http://www.world-psi.org/en/philippines-pre-decision-booklet-labour-migration-health-workers) para sa manggagawang Filipino na nasa sector ng kalusugan na nagbibigay ng pangunahing impormasyon tungkol sa mga katotohanan at isyu tungkol sa migration sa sektor ng kalusugan. Idinisenyo ito upang tulungan ang mga potensyal na migrant health workers na gumawa ng informed decisions at itaas ang kamalayan sa mga mahahalagang isyu na may kaugnayan sa ethical recruitment at migration sa health sector.

Ang PSI ay nagpalabas rin ng mga pre-departure information kits para sa mga manggagawa na papunta sa Germany, Finland, Norway at Denmark. Ang lahat ng mga migrant kits na ito ay matatagpuan sa website ng PSI (www.world-psi.org).